Ibinabandera ng DAR ang promisory note bilang kasiguraduhan diumano na mapupunta ang bawat parsela ng lupa sa mga magsasaka kapag magbabayad sila ng amortisasyon. Gayunpaman, ani ng mga grupo na ito ay taliwas sa esensya at pagpapatupad ng reporma sa lupa, bagkus pumapabor sa panginoong maylupa tulad ng pamilyang Cojuangco-Aquino.
“Ngayon pa lang, dinideklara na naming hindi kami pipirma sa ‘promisory note’. Paulit-ulit namin sinasabi na ang lupain sa Hacienda Luisita ay ‘historically’ at ‘morally’ ay pag-aari naming mga magsasaka,” banggit ni Florida Sibayan, vice-chairperson ng Ambala.
“Ang promisory note na ito ay isa lamang sa mga pakana ng pamilyang Cojuangco-Aquino katuwang ang DAR. Sa kasaysayan ng bansa kaugnay sa batas reporma sa lupa, walang naganap na pagpipirma ng promisory note. Ibig sabihin lang din nito, kontrolado ni Noynoy Aquino ang DAR para gumawa ng mga iskema o maniobra para sa pagpapanatili ng kontrol ng pamilya sa Hacienda Luisita.” dagdag ni Sibayan.
Ayon sa mga magsasaka, sa desisyon ng Korte Suprema noong Nobyembre 22, 2011, walang binanggit na babayaran ang mga magsasaka. Ibig sabihin, kinikilala ng desiyong ito na ang mga magsasaka bilang may-ari ng Hacienda Luisita na kailanma’y hindi nirespeto ng pamilyang Cojuangco-Aquino.
“Pinapatunayan ng pakanang ito ng DAR at pamilyang Cojuangco-Aquino ang pagtingin ng mga magsasaka na hindi hahayaan ng una na mawala ang kontrol nito sa lupa. Sinisingil namin ang pangulong Aquino na nangako ng pagbabago ngunit ngayon ay nangangahas na gamiting instrumento ang DAR upang paboran ang kanyang pamilya,” ani Joseph Canlas, tagapangulo ng AMGL at regional coordinator ng Anakpawis Partylist – Gitnang Luson.
“Sa katanuyan, matibay ang batayan na dapat magbayad na ng P1.33 B ang pamilyang Cojuangco-Aquino sa mga magsasaka mula sa mga lupang isinailalim sa land use conversion tulad ng Luisita Industrial Park at SCTEx. Ngunit sa kasalukuyan, hinaharangan ito ng pamilyang Cojuangco-Aquino,’’ ayon kay Joseph Canlas, Chairperson, AMGL.
“Sila na nga ang may utang at kumita sa sakripisyo’t pagod ng mga magsasaka, sila pa ang may lakas ng loob na maningil sa mga ito. Hindi ito hahayaan ng mga manggagawang bukid, at marapat lamang na suportahan nating lahat ang kanilang pakikibaka laban sa pagsasamantala at panloloko ng pamilyang Cojuangco-Aquino,” dagdag ni Canlas.
Ayon sa mga grupo, ang DAR ay nagpipilit na ipatupad ang Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with “Reforms” o CARPer na walang ibig sabihin kundi ang singilin ang mga farmer-beneficiaries ng amortisasyon at palakasin ang karapatan ng mga panginoong maylupa. Nanawagan ang mga grupo na ibasura ang CARPer at ipatupad ang House Bill 374 o Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) na nagpoprobisyon ng libreng pamamahagi ng lupa at nasyunalisasyon ng mga lupang agrikultural. Dagdag nila, ito ay isang pamamaraan upang madaling makansela ang mga maibibigay na certificate of land ownership award (CLOA) at maibalik ang kontrol ng pamilyang Cojuangco-Aquino sa Hacienda Luisita.
Noong Pebrero 28, inaresto ang 3 lider-manggagawang bukid habang nagpo-protesta sa Tarlac City. Kinasuhan sila ng robbery at assault.
“Alam naming hindi matatapos ang mga pakanang ito para sagkaan ang pamamahagi ng lupa. Sa katunayan, naniniwala kaming ang harasment na ito ay kumpas ng pamilyang Cojuangco-Aquino,” dagdag ni Canlas.
Nanawagan ang mga grupo sa iba’t ibang sektor na suportahan ang panawagang pagpapalaya sa mga hinuling manggagawang bukid at ang kanilang kampanya laban sa pakana ng pamilyang Cojuangco-Aquino at DAR.
“Dahil malinaw na ginugulo lamang ng DAR ang dapat na pamamahagi ng lupa, makatarungan lamang ang pagbubungkal na isinusulong ng Ambala sa loob ng Hacienda Luisita dahil ang CARPer o anumang batas o programa sa reporma sa lupa ay nagkakait sa mga magsasaka ng karapatan sa lupa,” sabi ni Canlas. #