Kalbaryo sa mga magsasaka at mamamayan ng Nueva Ecija ang proyektong Central Luzon Expressway Phase 1 at 2 (CLEx) at North Luzon Expressway - East (NLEx East), ayon sa Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luson - Nueva Ecija (AMGL – Nueva Ecija), Alyansa ng Mamamayan Laban sa CLEx (ALMA-CLEx), AMGL at Anakpawis Partylist-Gitnang Luzon, dahil ito ay magtutulak ng malawakang pangangamkam at pagpapalayas.
Sa paggunita ng mahal na araw, ang mga grupo ng magsasaka sa Nueva Ecija ay inilunsad ang dalawang araw na Penitensang Bayan na aksyong protesta laban sa CLEx at NLEx East, mula bayan ng Nampicuan tungong bayan ng La Paz sa Tarlac. Ito ay nilahukan ng Alyansa ng mga Magsasakang Nagkakaisa sa Fort Magsaysay (ALMANA 3,100), Timpuyog Katutubo, Malayang Aniban ng Magsasaka sa Brgy. Manggang Marikit, Bagong Barrio at Yuson (Mambayu mula sa bayan ng Guimba) at mga magsasaka mula sa Katimugang bahagi ng probinsya. Ang mga magsasaka mula sa mga bayang Aliaga, Zaragoza, sa Nueva Ecija at bayan ng La Paz, sa Tarlac ay humaharap sa phase 1 ng proyektong CLEx na animo’y dagdag pasaning krus sapagkat ito ang simula nang pagkitil sa kanilang karapatan sa lupa at paglulugmok sa kanila sa mas malalang kahirapan at kagutuman.
“Mariin naming tinututulan ang mga proyektong ito dahil pinatunayan na ng kasaysayan na hindi ito nagsisilbi sa aming mga magsasaka, tulad ng nangyari sa Fort Magsaysay na sinagasaan ang mga bukirin at pinalayas ang mga magsasaka at katutubo. At ang isang matandang lider na si Pascual Guevarra ay pinatay dahil sa paggigiit sa karapatan sa lupa,” ani ni Aquilino Lopez, Tagapangulo, AMGL - Nueva Ecija.
Dagdag ng AMGL, kahalintulad nito ang nagaganap sa Tarlac sa lugar ng interchange ng Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEx) at Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEx) kung saan idudugtong din ang CLEX. Sa lugar na ito, maraming magsasaka ang pinalayas sa kanilang sakahin at tirahan at kinamkam ng mga speculators at negosyante ang kanilang lupa.
Ang CLEx ay binubuo ng dalawang phase, ang CLEx 1 ay mula sa Tarlac City patungong Cabanatuan City na may habang 30.7-kilometro, at ang CLEx 2 ay magmumula sa Cabanatuan City patungong San Jose City na may haba namang 35.7-kilometro. Tinatayang makukumbert ang 319.5 ektaryang lupaing agrikultural at kabahayan ng mga magsasaka at residente ng Nueva Ecija.
Maliban sa CLEx, mula Cabanatuan City patungong bayan ng Sta. Rosa, San Leonardo, Gapan hanggang sa probinsya ng Bulacan ang tatahakin ng NLEx East. Ang proyektong ito ay dudugtong sa La Mesa Parkway sa San Jose del Monte City, Bulacan kung saan planong itayo ang inter-modal station ng MRT 7.
“Walang kaduda-duda na ang mga proyektong ito magsisilbi sa interes ng mga panginoong maylupa, lokal at dayuhang mamumuhunan katulad ng Oceana Gold sa Kasibu, Nueva Vizcaya; Aurora Pacific Economic Zones and Free Port (APECO) at Food Basket project ng pamilyang Angara, eksplorasyon ng natural gas sa Benham Rise, Dinggalan Free Port sa Aurora province; eco-tourism at agro-industrial projects sa Nueva Ecija; Clark International Airport, at lahat ng magkakadugtong na expressways papunta sa Subic Free Port at iba pang economic zones sa Gitnang Luzon,” ani ni Joseph Canlas, Tagapangulo ng Amgl at Regional Coordinator ng Anakpawis Partylist.
Ayon sa grupo, ang mga proyektong ito ay bahagi ng Metro-Luzon Urban Beltway (MLUB) kung saan ibinabandera ng administrasyong Aquino sa pamamagitan ng Private Partnership (PPP) program mula sa “super regions” ng dating pangulong Arroyo.
“Ang CLEx at NLEx East ay proyektong Land Use Conversion o pagpapalit-gamit ng agrikultural na lupain tungong komersyal, residensyal at industriyal na siguradong maapektuhan ang kalagayan ng iba’t ibang sektor sa probinsya,” dagdag ni Canlas.
Ayon sa AMGL- NE, ang dalawang araw na Penitensyang Bayan ay sisimulan ng misa sa Nampicuan at maglalakad patungong bayan ng Cuyapo, Guimba, Sto. Domingo, Licab at Quezon. Sa Marso 27, magkakaroon ng salubungan ang mga magsasaka mula sa Nueva Ecija at Tarlac at tatapusin ang aktibidad ng isang malaking protesta sa palengke ng La Paz, Tarlac.
“Ang proyektong ito ay panganib sa mamamayan ng Nueva Ecija, Gitnang Luson, maging ng Metro Manila. Dahil ito ang magtutulak sa pagkawala ng malalawak na palayan ng probinsya na nagsisilbing suplay natin ng bigas. Kung kaya, ang labang ito ay hindi lamang laban ng mga magsasaka ng Nueva Ecija, kundi laban nating lahat,” ani Canlas.
“Malinaw na si Aquino ay walang ibang tunguhin kundi sirain ang ating food security at lokal na industriya ng Nueva Ecija. Sa halip na tulungan ang mga magsasaka sa bansa, pinagsisilbihan niya ang mga dayuhan kagaya ng Estados Unidos para dambungin ang ating likas na yaman,” pagtatapos ni Canlas. #