“Sa kabila ng ilang dekadang pagpapatupad ng PD 27 at CARP, palala ang kalagayan ng mga magsasaka. Lalong dumami ang napalayas at nawalan ng kabuhayan dahil sa malawakang pangangamkam ng lupa at land use conversion na nakabalangkas sa programang Public-Private Partnership (PPP) ni Aquino at huwad na programang CARPer,” ani Joseph Canlas, tagapangulo ng Amgl.
Ang Nueva Ecija na tinaguriang “rice granary” ng bansa ay humaharap ngayon sa malaking panganib dahil ang mga magsasaka ay humaharap sa malawakang pagpapatalsik mula sa lupa bunga ng pagkansela ng mga certificate of land ownership award (cloa), emancipation patent (ep), certificate of land title (clt) at foreclosure. Karaniwan din ang pangangamkam ng lupa ng mga malalaking panginoong maylupa, lokal at dayuhang negosyante.
“Ipinagmamalaki ng gubyerno at DAR na 36% ng farmer-beneficiaries (FBs) ng rehiyon ay mula sa Nueva Ecija sa lupang 42% ng coverage ng CARP sa rehiyon. Ngunit ang mga FBs ngayon ay humaharap sa pagpapalayas at pagbawi ng lupa ng mga panginoong maylupa, kakutsaba ang DAR at Land Bank,” dagdag ni Canlas.
Ang mga FBs sa Nueva Ecija ay ngayo’y nakatatanggap ng “notice of foreclosure” mula sa Land Bank of the Philippines (LBP) at DAR. Ayon sa datos ng AMGL-Nueva Ecija, maraming magsasaka sa halos anim (6) na hacienda na nasa Nueva Ecija ang nakakatanggap ng ‘notice of foreclosure’ mula sa LBP at DAR. Ang mga asyendang ito ay ang sumusunod: ang Hacienda De Santos sa Guimba, Cuyapo at Nampicuan na may saklaw na 9,700 ekt. Lupain; Hacienda Davis sa Brgy. Manggang Marikit, Brgy. Bagong Barrio at Yuson ng Guimba na sumasaklaw ng 120 ekt. Lupain; Hacienda Alzate sa Brgy. Edy, Meling at Ambassador ng bayan ng Nampicuan; Hacieda Rueda na sumasakop ng 238.34 ekt. lupain sa Brgy. San Andres I, Quezon; Hacienda Tinio sa Guimba na saklaw ang 7,000 ekt.; at Hacienda Bueno sa bayan ng Caranglan na may 6,000 ekt. lupain.
Dagdag ng grupo, malaganap ang pagtutulak ng foreclosure. Ito ay patakaran ng gobyerno ng pangangamkam ng lupa at pagpapalayas sa magsasaka. Partikular sa Hacienda Bueno, tinaningan ng DAR at LBP ang mga magsasaka ngayong 2013 lalupa’t ang lugar na ito ay babagtasin ng Dalton East Alignment Road Project (DEARP) . Taong 2012, naging malawakan ang pagpapadala nito sa mga magsasaka at ilan sa mga magsasaka ay nakaramdam ng pangangamba lalupa’t nagkakahalaga ng P100,000 ang utang nila sa LBP bilang amortisasyon na dapat bayaran sa loob ng 15 araw.
“Maliban sa kanselasyon ng mga CLOA, ang foreclosure ay isa lamang sa pagpapalala ng kalagayan ng mga magsasaka. Isa itong negosyo ng gobyerno kasabwat ang DAR at LBP para agawin sa mga magsasaka ang kanilang lupain. Ang mga magsasaka ay walang kakayahang magbayad laluna sa napakalaking gastusin sa pagsasaka, mahal na bilihin, epekto ng kalamidad at marami pang iba. Matibay pa din ang panawagan na dapat magkaroon ng suportang serbisyo ang gobyerno,’’ dagdag ni Canlas.
Kaugnay nito, nanganganib din ang probinsya bilang ‘Food Bowl’ o ‘Rice Granary’ lalupa’t libu-libong magsasaka ang biktima ng pangangamkam ng lupa at pagpapalayas dulot ng pagtatayo ng dam at expressways kagaya ng Central Luzon Expressway (CLEX) na mula Cabanatuan- San Jose patungong Aurora at Northern Luzon Expressway (NLEX)-East sa bayan ng Gapan at Balintingnon dam sa General Tinio. Dagdag dito, patuloy pa ding inaagawan ng lupa ang mga magsasaka sa Fort Magsaysay Military Reservation (FFMR), at iba pang bahagi ng probinsya.
“Sa Pampanga, isa sa matingkad na isyu ng pangangamkam ng lupa at pagpapalayas ang mga magsasaka at residente ng Hacienda Dolores, Porac, Pampanga. Pinag-iinteresan ng LLL at FL Development Corporation ang mahigit 700 ekt. produktibong lupain ng asyenda. Sa kasalukuyan, pinagbabawalan silang makapasok sa kanilang mga sakahan at tuluy-tuloy na nakararanas ng harassment mula sa kamay ng mga security guards, goons at PNP.’’
“Ang isyu naman ng Hacienda Luisita sa Tarlac ay tinik sa lalamunan ni Aquino at kanyang pamilya kaya kaliwa’t kanan ang maniobra para manatili ang kontrol sa asyenda. Sa katatapos na tambiolo noong Agosto, nilinlang at tinakot ang mga magsasaka para diumano sa tapat na pamamahagi ng lupa. Sa kasalukuyan, ibinubuslo na naman ang mga magsasaka sa pagtanggap ng CLOA kung saan taliwas sa panawagang libreng mapasakanila ang lupain. Ang patutunguhan ng Hacienda Luisita ay kagaya sa mga nararanasan ng mga magsasaka sa iba’t ibang lugar sa bansa na kung saan babayaran ang amortisasyon ng 30 taon at kapag hindi makapagbayad sa 3 magkakasunod na taon ay papadalhan ng notice o kaya mas maagang bahagi ay ikakansela ang lupain.’’
“Ibang usapin pa ang umiiral sa kasalukuyan, malawakan ang pangangamkam ng lupa ng Tarlac Dev’t. Corp. (TADECO) at Lusita Realty Corporation (LRC) sa mga sakahan ng Brgy. Cutcut, Balete, Asturias at Mapalacsiao na aabot sa mahigit 300 ekt. lupain. Kaugnay nito, tuluy-tuloy ang pananakot, paniniktik at harassment sa mga magsasaka lalupa’t nakakapanatili ang mga sundalo at CAFGU sa sampung barangay ng asyenda.’’
“Ang kalagayan ng mga magsasaka sa rehiyon ay hindi dapat ipagkibit-balikat lalupa’t ang plano ng gubyernong Aquino ay PPP o kutsabahan umano ng gubyerno at pribadong sektor para pagkakitaan ang mga likas na yaman ng bansa. Ang proyektong Metro-Luzon Urban Beltway, kasama ang SCTEx, Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEx), Central Luzon Expressway (CLEx) at North Luzon East Expressway (NLEx East) ay ipanapatupad ng gubyernong Aquino para pabilisin ang panghuhuthot sa likas na yaman ng rehiyon at bansa, kasama na ang malawak at produktibong kalupaan ng Gitnang Luson.’’
“Plano ni Aquino na itransporma ang rehiyon bilang isang malawak na eco-zone kung saan, pawang interes ng mga dayuhan at mayayamang negosyante ang namamayagpag at pangunahin. Nais ni Aquino na ipatupad mga proyektong eko-turismo at komersyal na establisyemento para sa interes ng mga dayuhan. Wala itong konsiderasyon sa maliit na mamamayan, tulad ng mga magsasaka at patuloy lamang ang pagyurak sa kanilang mga karapatan sa lupa at kabuhayan,’’ pagtatapos ni Canlas. #