“Ngayong araw, bandang 7:30 ng umaga, pinagbabaril si Modesto Posadas, isang magsasaka at miyembro ng Aniban, ng dalawang kalalakihan lulan ng motosiklo sa SCTEX interchange papasok sa kanilang barangay pagkatapos ihatid ang anak sa eskwelahan. Si Posadas ay tinamaan sa braso at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital sa bayan ng Porac,” ayon kay Joseph Canlas, Tagapangulo, AMGL.
“Dagdag pa nito, noong Disyembre 6, 2013, biktima si Jessel Orgas, isang magsasaka at miyembro ng Aniban, ng pagsabog nang maghagis ng granada di kilalang kalalakihan sa kanyang bahay sa Purok 5, sa nabanggit na barangay. Bago pa ito, noong Nobyembre 29, may tangkang pagsunog sa kanyang bahay nang panain ito ng palasong may apoy na nagresulta sa pagkasunog ng kanyang dingding,” ani Canlas.
“Ang kaso nina Posadas at Orgas ay dumadagdag lamang sa kaso ng paglabag sa karapatang pantao na ginagawa ng mga security guards at goons ng LHI, FL PMC at Ayala Land. Dagdag pa dito, ang mga elemento ng PNP at sundalo na nagpagamit din para protektahan ang interes ng mga korporasyon. Ayon sa mga magsasaka, ilang beses nang nakita sa asyenda ang mga sundalo at pulis nitong nakaraang buwan,” dagdag ni Canlas.
Sa naganap na national fact-finding and solidarity mission (nffsm) noong Oktubre 30 hanggang 31, 2013 na dinaluhan ng mga estudyante, taong simbahan, People’s organization at iba pa, maraming kaso ng paglabag sa karapatang pantao ang nilabag ng mga security guards at goons ng mga korporasyon. Ilan sa mga ito: may 26 kaso ng destruction and divestment of properties at apektado nito ang 21 magsasaka at 5 kababaihang magsasaka; 1 kaso ng illegal mass arrest at detention na biktima nito ang 12 magsasaka noong Nobyembre 4, 2011; 1 kaso ng illegal arrest and detention noong Hulyo 28, 2013; 2 magkakahiwalay na kaso ng harassment, threat and intimidation at sapilitang pagpapairma ng waiver sa isang magsasaka na kusang aalis sa kanyang sakahan; at pagrerekluta sa mga taga-baryo at mga katutubong Ayta para maging goons at security guards. Ayon sa AMGL, kinukunsinte ng lokal na pamahalaan ng Porac, kapulisan at militar ang mga abusong ito ng mga tauhan ng LHI at FL PMC.
“Sa kabila ng pasismo at panlilinlang, naninindigan ang mga magsasaka at residente sa Hacienda Dolores para igiit ang kanilang karapatan sa lupa. Ang paglaban nila ang magtutulak sa mga korporasyon na gumawa ng iba’t ibang hakbang para kamtin ang layunin nitong agawin ang lupa at palayasin ang mga magsasaka at residente ng Hacienda Dolores. Gayundin, kinukundena ng magsasaka ang rehimeng US-Aquino na naging pabaya sa kalagayan ng magsasaka at naging numero unong tagabenta ng malalawak na lupain sa bansa para sa interes ng lokal at dayuhang mamumuhunan sa ilalim ng kanyang programang Public Private Partnership (PPP)”, pagtatapos ni Canlas. #