“Ang ‘Tambiolo Land Reform’ ni Aquino, militarisasyon at pang-aagaw ng lupa ng TADECO ay kabaliktaran sa pagkilala sa aming karapatan sa lupa, panawagang libreng ipamahagi ito at mabuhay nang tahimik at walang pangamba,’’ ayon kay Florida Sibayan, Tagapangulo, Ambala.
“Naninindigan kami na ang ginawa ng Department of Agrarian Reform (DAR) na ‘palabunutan’ , pagpapirma sa Application to Purchase and Farmers Undertaking (APFU) at pamamahagi ng Lot Allocation Certificate (LAC) ay panlilinlang at hindi makatarungan. Kasabay ng palabunutan, parang war zone ang Hacienda Luisita sa dami ng PNP, SWAT at sundalo na nakapaikot sa lugar,” banggit ni Sibayan.
Ayon sa Ambala, sa kasalukuyan, may kubol ang mga militar at security guard sa Brgy. Cutcut at Balete, ito ay iba pa sa matagal nang detatsment sa Aqua, Brgy. Balete, Pando at iba pang barangay. Ilan sa mga naitalang paglabag sa karapatang pantao ay harassment at paniniktik sa mga lider at miyembro ng Ambala at samahang magsasaka sa mga baryo.
Sa panahon din ng palabunutan, biglang sumulpot ang TADECO at biglang inangkin ang 100 ektaryang lupain sa Brgy. Cutcut, kung saan apektado dito ang 89 manggagawang bukid at 30 kabahayan. Ang lupain na ito ay bahagi ng ‘bungkalan’ na simula pa noong 2005 ay pinagkukunan na ng kabuhayan ng mga manggagawang bukid. Noong August 21, pinadalhan ng TADECO ang 20 manggagawang bukid ng notice na -kailangang lisanin ang lugar sa loob ng 15 araw.
“Kaugnay nito, may 400 ektaryang lupain sa Brgy. Balete ang inaangkin naman ng Luisita Realty Corporation (LRC) na bahagi din dapat sa ipamamahaging lupain,’’ ayon pa kay Sibayan.
“Malinaw na ipinagkakait pa din ng pamilyang Cojuangco-Aquino ang 4,915 ektaryang lupain na ipamahagi sa mga magsasaka. Wala silang ibang interes kundi manatili ang lupain sa kanila at kami ay kanilang maging tauhan habambuhay,” banggit ni Sibayan.
Ayon kay Joseph Canlas, Tagapangulo ng AMGL, “Napakahalaga ang panawagan na libreng ipamahagi ang Hacienda Luisita sa mga manggagawang bukid, paunlarin ang bungkalan at igiit ang karapatan sa lupa. Kaiba ito sa Comprehensive Agrarian Reform Program with Extension Reforms (CARPER) na ibinabandera ng pamilyang Cojuangco-Aquino kasabawat ang DAR. Malakas pa rin ang panawagan kaugnay sa panawagang hustisya sa mga biktima ng Hacienda Luisita Massacre noong 2004 at iba pang biktima ng paglabag sa karapatang pantao na nararanasan ng mga manggagawang bukid hanggang sa kasalukuyan. Karugtong ito ng panawagang pagpapalayas sa pwersa ng militar lalupa’t ang tampok na usapin ay agrarian case’’.
“Matagal nang lantad ang kulay ng pamilyang Cojuangco-Aquino para manatili ang kontrol sa Hacienda Luisita. Sa kasalukuyan, maingay ang isyu ng pork barrel, kung saan kapit-tuko si Aquino sa kanyang PDAF habang kapit-tuko naman sa lupa ang kanyang pamilya,” dagdag ni Canlas.
“Malinaw na malinaw na ang estadong kinakatawan ni Aquino, maging ang mga nakaraan ay hindi nagsilbi sa interes ng mga magsasaka, bagkus, inaapakan ang kanilang karapatan. Mahaba ang kasaysayan ng Hacienda Luisita na punung-puno ng panlilinlang, pang-aapi at pagsasamantala ng pamilyang Cojuangco. Ang sistemang ito ay hindi makatao at dapat nang wasakin at baguhin,” pagtatapos ni Canlas. #