“Kami ay nagsama-sama at nagmartsa para igiit ang aming karapatan sa lupa. Matibay ang batayan na simula pa noong 1835 hinawan, binungkal at dinebelop na ng aming mga ninuno ang Hacienda Dolores. Kami ay mahigit 300 magsasaka at residente na apektado ng pangangamkam at pagpapalayas, dagdag pa dito ang mga katutubong ayta na nalinlang at napalayas na sa lupain,” ayon kay Antonio L. Tolentino, Tagapangulo ng ANIBAN.
“Nakakagalit dahil simula noong 2004 kasabay ng konstruksyon ng Subic-Clark- Tarlac Expressway (SCTEx), inaangkin ng Triple L at FL Development Corporation ang mahigit 700 agrikultural na lupain na matagal nang pinagkukunan ng aming kabuhayan,’’ banggit ni Tolentino.
“Malaking kwestyon sa aming mga magsasaka at residente ang paglalabas ng Department of Agrarian Reform (DAR) ng Exemption Order para hindi makober ang nasabing lupain sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) kung saan, nagbigay daan para mabilis na mapatituluhan ng dalawang korporasyon ang nasabing lupain noong 2005. Kaugnay nito, naglabas din ang aming barangay captain ng isang certification na ang nabanggit na lupain ay “walang tenant” at talahiban, “ dagdag ni Tolentino.
Ayon sa mga magsasaka at residente,hinihintay ngayon ng Triple L at FL Development Corporation ang Land Use Conversion Order mula sa DAR kung saan, malaki ang papel ng inilibas na “certification” ng brgy. Captain ng Hacienda Dolores at “Municipal Ordinance for Land Reclassification” ng lokal na ahensya ng pamahalaan ng Porac. Kaugnay nito, kwestyunable din na hindi nagkaroon ng public consultation bago aprubahan ng Sanggunian at Punong Bayan ang ordinance, at hindi sapat ang mga sertipikasyon na nilabas ng DA, DAR, at NIA.
Sa kabila ng paggigiit ng mga magsasaka at residente ng Hacienda Dolores ng kanilang karapatan sa lupa, ginagamitan sila ng dahas para mapaalis sa lugar. Nagdeploy ang mga korporasyon ng mahigit 700 security guards kasama ang goons para takutin, linlangin ang mga magsasaka. Isa sa pinakatampok na insidente noong 2011, binakuran nila ang mga lupain ng magsasaka, pinagsisira ang kanilang mga kubo, punongkahoy, tanim na saging, gulay at sinampahan ang ilan ng grave threat. Noong Hulyo 2013, iligal na inaresto at ikinulong ang isang magsasaka at kinasuhan ng illegal possession of firearms at maliscious mischief.
“Sa ngayon, tuluy-tuloy ang kanilang harassment sa amin. Ang pinakahuling ginawa nila ay pagpapapirma sa amin ng isang kasulatan na “kapag kailangan na ng korporasyon ang lupain, kusang aalis ang mga magsasaka at residente”. Malinaw na ito ay isang pakana para alisan kami ng karapatan sa aming lupain,’’ dagdag ni Tolentino.
Ayon kay Joseph Canlas, Tagapangulo ng AMGL, “Ang nararanasang problema sa lupa ng mga magsasaka at residente ng Hacienda Dolores ay matagal na ding problema ng mga magsasaka sa rehiyon at buong bansa. Ang hindi pagkilala ng gobyerno sa karapatan ng mga magsasaka sa lupa ay isang manipetasyon na tanging interes ng panginoong maylupa, lokal at dayuhang korporasyon lamang ang kanilang pinagsisilbihan”.
“Malinaw na mula pa Kolonyalismong Kastila pa nagsimulang magbungkal ng lupa ang kanilang mga ninuno, pero sa dinami-dami ng batas at programa sa reporma sa lupa, hindi man lang sila naging benepisyaryo nito, at mas malala, sila ngayon ay pinapalayas. Kung kaya, ang mga nagdaang batas at ngayon ay CARP at CARP Extension with Reforms ay isang malaking panlilinlang lamang sa mga magsasaka at pumapabor sa mayayaman,” dagdag ni Canlas.
“Kung kaya’t marapat lang talaga na konsolidahin ng mga magsasaka sa Hacienda Dolores ang kanilang hanay sapagkat hindi pa tapos ang paglaban at paggigiit ng kanilang karapatan sa lupa. Nananawagan kami ng pakikiisa at suporta sa lahat ng sektor mula sa taong simbahan, kabataan at estudyante, abogado, at iba pa,” pagtatapos ni Canlas. #