Ang lakbayan ay isang protesta para sa paggigiit ng mga magsasaka sa kanilang karapatan sa lupa na kagyat nang ipamahagi ng libre ang 4,915 ektaryang lupain na pinagpasyahan ng korte suprema noong Abril 24, 2012. Isang taon na ang nakalipas,wala pa rin sa kamay ng mga magsasaka ang parsela ng lupain dahil kaliwa’t kanang mga maniobra ng pamilyang Cojuangco-Aquino para sa pagpapanatili ng kanilang kontrol.
“Pesteng Balang, kung maituturing si pang. Aquino sa aming mga magsasaka dahil inaalisan niya kami ng karapatan sa lupa. Ibig sabihin, pinapanatili ng rehimeng ito ang kahirapan at kagutuman na nararanasan namin simula pa noong dekada ‘60 sa kamay ng kaniyang pamilya. Kahit nagdesisyon na ang korte suprema, ayaw pa din bitawan ng pamilyang Cojuangco-Aquino ang kontrol dito,’’ayon kay Florida Sibayan, Pangalawang Tagapangulo, Ambala.
“Bumabaha ang rason kung bakit kailangang tuligsahin si Aquino, una, dahil wala kaming maaasahan sa kanya lalupa’t siya ang tagapamandila ng pagkontrol ng libu-libong ektaryang lupain sa bansa, gayundin, instrumento ng pangangamkam at pagpapalayas sa mga magsasaka hindi lamang sa Gitnang Luson maging sa buong bansa,’’ dagdag ni Sibayan.
“Kaugnay nito, malaki ang papel ni Aquino kasabwat ang DAR para linlangin at lokohin ang mga benepisyaryong magsasaka para paasahin sa walang katiyakang pamamahagi ng lupa na idinadaan nila sa pagsasalaula ng proseso ng auditing, sarbey at pagpapapirma sa promisory note,’’ dagdag pa ni Sibayan.
Ang Lakbayan 2013 ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita at Gitnang Luson na sinuportahan ng iba’t ibang sektor mula sa rehiyon at NCR ay nananawagan ng libreng pamamahagi ng lupa at walang amortisasyon mula sa mga magsasaka, gayundin, paggigiit na dapat ang pamilyang Cojuangco-Aquino ay walang matanggap na kompensasyon.
“Naniniwala kami na hindi makatarungan ang pagbabayad ng amortisasyon naming mga magsasaka sapagkat simula pa noong 1967, pinagkakitaan na ng pamilyang Cojuangco-Aquino ang Hacienda Luisita. Marapat lang talaga na maipamahagi na ito ng libre at makilala ang aming karapatan sa lupa ng walang kabayaran para sa diwa ng hustisyang panlipunan,’’banggit ni Sibayan.
Ayon kay Joseph Canlas, Tagapangulo ng AMGL at Regional Coordinator ng Anakpawis-GL, “Malinaw na walang maaasahan ang mga magsasaka sa usapin ng pamamahagi ng lupa sapagkat ito ay nakabuslo sa huwad na reporma sa lupa na Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (CARPER). Kung saan, angunahing layunin nito ay pagkukumbert ng mga agrikultural na lupain at pagtatayo ng mga agri-business na kapakinabangan lamang ng iilang panginoong maylupa, lokal at dayuhang mamumuhunan.
“Sa kasalukuyan, tumpak ang panawagan ng mga magsasaka para sa kolektibong pag-aari sapagkat dito matitiyak na mapupunta sa mga tunay na benepisyaryo ang lupain sa Hacienda Luisita. Sa pamamagitan nito, mas maigigiit nila ang kanilang karapatan sa lupa laban sa mga maniobra ng pamilyang Cojuangco-Aquino kasabwat ang DAR at laban sa bigong CARPER,” dagdag ni Canlas.
“Ang lakbayan ay isang konkretong halimbawa para ipakita ang paglaban ng mga magsasaka sa rehimeng US-Aquino dahil sa direktang pangingialam nito sa pamamahagi ng lupa sa Hacienda Luisita. Ang sama-samang pagkilos na ito ay paglalantad kay Aquino bilang kontra-magsasaka at pagtuligsa sa kanya na walang tunay na pagbabago habang siya ay nakaupo bilang tagapangulo,” ayon kay Canlas.
“Sa Abril 24, sama-samang sinunog ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita at kanilang mga tagasuporta ang isang effigy bilang si Aquino ay isang “pesteng balang” na ngumangatngat sa karapatan sa lupa ng mga magsasaka. Ito ay inilunsad sa Plaza Miranda sa Angeles City, pagkatapos nito’y may Candle Lighting sa harapan ng Holy Rosary Church at dudulo sa isang Solidarity Night at Vigil sa Pulongbulo Covered Court. Pagdating ng Abril 25, magmamartsa ang mga magsasaka patungong DAR Region 3 at kinabukasa’y magpoprotesta sa Camp Olivas, San Fernando City para sa panawagang pagpapalaya sa dalawang lider-magsasaka na sina Renato Mendoza at Wilson Duque na sinampahan ng gawa-gawang kaso at kasalukuya’y nakadetine sa Tarlac City. Ang lakbayan ay magtatapos sa Abril 27, sa pamamagitan ng isang malaking protesta sa Mendiola,’’ dagdag pa ni Canlas.#