Ang dayalogo ay kaugnay sa pagpili ng auditing firm para matiyak na maibibigay sa mga magsasaka ang P1.33 B piso na babayaran ng pamilyang Cojuangco-Aquino mula sa mga lupaing nakumbert at iligal na naibenta. Ang usaping ito ay kasama sa desisyon ng Korte Suprema noong Abril 2012.
“Kinokondena namin ang iligal na pag-aresto at pagkulong kina Mendoza, Duque at Parazo. Ang bintang na pagnanakaw na kinuha nila ang bag ng isang pulis na may lamang baril at cellphone ay walang katotohanan. Ito ay isang manipestasyon na tuluy-tuloy pa din ang panggigipit at harassment sa mga magsasaka na patuloy na nananawagang libreng ipamahagi ang lupain sa loob ng Hacienda Luisita ”, ayon kay Florida Sibayan, Vice Chair, Ambala.
“Sina Mendoza, Duque at Parazo ay kinakasuhan ng “direct assault” at “robbery” ng PNP Camp Macabulos. Ito ay isa na namang gawa-gawang kaso para takutin ang mga magsasaka sa pagigiit ng karapatan sa lupa,” dagdag ni Sibayan.
Ayon sa Ambala, mahigit 300 magsasaka ang nagprotesta kahapon sa La Majarica nang mapansin ng ilang magsasaka ang isang lalaking nakasibilyan na kumukuha ng litrato. Pagkalipas ng ilang minuto, inaresto na ang 3 katao dahil sa diumano'y nawawalang bag ng isang pulis na may lamang baril at cellphone. Simula pa kagabi, nag-vigil ang mga magsasaka sa harap ng PNP Camp Macabulos.
“Ang insidenteng ito ay kasama sa buong pakete ng pagtuligsa sa karapatan ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita. Noong 2012, bumabaha ang gawa-gawang kaso na isinampa sa mg lider at miyembro ng Ambala, sa halip na matakot, sila ay tuluy-tuloy na nanindigan na ipaglaban ang kanilang karapatan sa lupa”, banggit ni Joseph Canlas, Tagapangulo, AMGL.
“Sa kasalukuyan, nananawagan ng suporta ang mga magsasaka para sa kagyat na pagpapalaya sa tatlong inaresto gayundin kondenahin ang iligal na pag-aresto, pagkulong, pagsampa ng gawa-gawang kaso at harassment sa tatlong miyembro ng Ambala, ” ayon kay Canlas#