Sa pagmarka ng ika-25 taon ng pagpapatupad ng Republic Act 6657 o Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), ang mga magsasaka sa ilalim ng Panlalawigang Alyansa ng Magbubukid ng Aurora, Inc (Pamana), Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luson (Amgl) at Anakpawis Partylist- Gitnang Luzon ay nananawagan ng pagbasura ng ekstensyon nitong Republic Act 9700 o CARP Extension with “Reforms” (CARPer). Ayon sa kanila, ang programang ito ay walang silbi sa mga magsasakang apektado ng Republic Act 10083 o Aurora Pacific Economic Zone and Freeport Act (APECO) sa mga bayan ng Casiguran, Dinalungan at Dilasag, sa probinsya ng Aurora. Samantalang ang APECO ay instrumento ito ng pamilyang Angara upang kamkamin ang mahigit 13,000 ektarya sa hilagang Aurora, ang CARPer naman ay nagsisilbing instrumento ng mga malalaking panginoong maylupa upang panatilihin ang kontrol sa malalawak na lupa at balewalain ang karapatan ng maraming magsasaka. Sa kawalang silbi ang CARP sa mga magsasaka, ang APECO ay kasalukuyang nagpapalayas sa mga magsasaka, katutubo at mangingisda sa mga naturang bayan. Bilang bahagi ng panawagang pagbasura sa CARPer at APECO, maglulunsad ng pagkilos ang Pamana sa bayan ng Maria Aurora sa probinsya ng Aurora, gayundin ang Amgl sa Angeles City, Pampanga darating na Hunyo 9 hanggang 10, 2013. Ito ay dadaluhan ng mga magsasaka mula sa iba’t ibang probinsya at susuportahan ng iba’t ibang sektor.
“Malinaw na walang silbi ang CARP sa mga magsasakang apektado ngayon ng APECO, dahil kung may silbi ito, bakit ngayon ay pinapalayas ang mga magsasaka sa bayan ng Casiguran at mga katabi nito? Ang layunin ng proyektong APECO na ikumbert ang mga produktibong lupang agrikutural ay nakapaloob din sa mga probisyon ng CARP kung kaya ito ang ginagamit ng mga malalaking panginoong maylupa upang palayasin ang mga magsasaka,” sabi ni Joseph Canlas, tagapangulo ng Amgl.
“Basura ang CARP nang isabatas ang APECO dahil wala itong ilusyong ipagtanggol ang mga magsasaka na manatili sa lupa dahil pareho lamang ito ng huli. Ang mga magsasakang may hawak ng certificate of land ownership award, certificate of stewardship contract ay pawang pinapalayas ngayon,” sabi ni Elmer Dayson, Panglawang Tagapangulo ng Pamana.
Ayon sa mga grupo, nagpapatuloy ang konstruksyon ng mga bahagi ng programang APECO na sumasagasa sa karapatan ng mga magsasaka sa lupa. Ang administration building ng APECO sa Brgy. Esteves ay itinayo sa lupang inagaw sa magsasaka. Ang mga magsasaka sa tinuturing na “rice granary” ng hilagang Aurora sa Brgy. Esteves at Dibet ay nagpetisyon nang mapasakanila ang lupa mula pa noong dekada 60 sa Bureau of Lands pero walang nangyari hanggang sa ngayon ay inabutan na ng pagsasabatas ng APECO. Ang ilan namang may hawak ng original certificate of title ay pinapalayas din mismo.
“Ang mga magsasaka ng Brgy. Esteves at Dibet ang mismong nagpakahirap sa lupa dahil ito ay dating kagubatan. Tinransporma nila ito bilang mga produktibong lupang agrikultural, pero ngayon sila ay pinapalayas at sinaklaw ng APECO ang lupa, na malinaw namang ang pamilyang Angara lamang ang makikinabang,” ani Dayson.
Ayon sa Pamana, mula nang isabatas ang CARP noong 1988, hindi nito pinaboran ang mga kahilingan ng mga magsasaka sa Casiguran. Iilan lamang ang naisyuhan mga certificate of land ownership award (CLOA) na ngayon ay nanganganib na makansela dahil sa pagsasabatas ng APECO.
“Ang mahigit 1,000 ektaryang agrikultural na lupain na napailalim sa CARP ay awtomatikong makukumbert at mapapalayas ang 675 benepisyaryo na umaasa sa lupa para mabuhay ang naghihirap na pamilya. Isa sa mga halimbawa dito ang Brgy. Cozo na saklaw ng CARP ang 42 ektaryang lupain na may labinwalaong magsasaka na may Certificate of Land Ownership Award (CLOA),’’ dagdag ni Dayson.
“Naniniwala kami na ang proyektong APECO ay magdudulot ng kahirapan at kagutuman hindi lamang sa bayan ng Casiguran, Dilasag at Dinalungan kundi sa buong probinsya ng Aurora dahil ang interes ng pamilyang Angara ay gawing economic zone ang hilagang bahagi ng probinsya at commercial at eco-tourism zone ang Central Aurora. Kung kaya’t malaki ang papel ng huwad na batas na CARPer para sa malawakang pangangamkam ng lupa at pagpapalayas sa mga magsasaka ng pamilyang Angara,’’ banggit ni Dayson.
Ang APECO ay bahagi ng mas masaklaw na Aurora Medium Term Development Plan na nakapaloob sa proyektong North Luzon Urban Beltway na magbibigay daan sa mga lokal at dayuhang mamumuhunan para huthutin ang mayamang likas na yaman ng Aurora.
“Nitong nakaraang buwan, banggit ni Sec. Leila De Lima, maglalabas sila ng desisyon kaugnay sa 105 ektaryang lupain na paglilipatan ng mga apektadong mamamayan ng APECO. Malinaw na ito lamang ang tanging sagot ni Aquino sa matagal nang sigaw ng pagtutol ng mga magsasaka, katutubo at mangingisda. Ibig sabihin, ang nais ng mga apektadong magsasaka at mamamayan ng APECO ay kilalanin ang karapatan sa lupa lalupa’t noong dekada ’60 pa unang binungkal at dinebelop ang kanilang sakahan, “ ayon kay Joseph Canlas, Tagapangulo, AMGL at Regional Coordinator ng Anakpawis Partylist-GL.
“Bunga rin ng kawalang silbi ng CARP, ginagamit ng pamilyang Angara ang militar at pinanatili ang mga sundalo mula sa 48th Infantry Battalion ng Philippine Army sa buong Aurora upang bantayan ang pagpapatupad ng APECO at takutin ang mga magsasakang kumokontra rito. Malinaw na sila ang instrumento din sa pagpapalayas, panghaharas, at iba pang tipo ng paglabag sa karapatang pantao sa lugar,’’ banggit ni Canlas.
“Ang APECO ay klasikong modelo ng isang ‘legislated program’ na nagsisilbi sa interes ng malalaking panginoong maylupa, lokal at dayuhang mamumuhunan kagaya ng pamilyang Angara na sumisira sa kabuhayan ng mga magsasaka, mangingisda at mga katutubo ng Casiguran, Aurora kung kaya’t marapat lang talaga na tutulan ito,’’ ayon kay Canlas.
“Sa pagmarka ng 25 taon ng huwad na CARP, ang protestang magbubukid ng Gitnang Luson ay isang pagpapakita na ang CARP/ CARPer at APECO ay patuloy na tutulan sapagkat ito ay pagkakait ng karapatan sa lupa, kabuhayan at akses sa kalikasan ng mamamayan hindi lamang ng Aurora kundi buong rehiyon. Muli, kami ay nananawagan sa mga taong simbahan, propesyunal, kabataan at iba pang sektor na suportahan kami sa pakikibaka para sa pagsasabatas ng HB 374 o Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) at tunay na repormang agraryo.#
Please visit: http://resistapecodefendauroramovement.weebly.com/