“Walang ibang interes ang mga korporasyong ito kundi kami’y patayin, takutin at ikulong upang agawin sa amin ang lupa. Noong nakaraang taon, sistematiko ang ginawa nilang pamamaril sa amin, paghagis ng granada, iligal na pagpapaaresto at pagpapakulong”, ayon kay Mario Franco, magsasaka ng Hacienda Dolores at tagapangulo ng AMC.
“Walong buwan na kaming hindi nakakapagsaka at sinira nila ang aming mga tanim. Nababalot kami sa poot dahil inalisan nila kami ng aming kabuhayan at sa ngayo’y nakakaranas kami ng matinding hirap at gutom,’’ dagdag ni Franco.
Ayon sa ANMHD, bago ito, iligal na inaresto at ikinulong si Ener Angeles Tolentino noong Enero 8, 2014 ng dalawang pulis ng bayan ng Porac, kasama ang labindalawang security guards at goons. Ang biktima ay kumukuha ng uling sa kanyang sakahan sa Upper Balukbuk nang pagbawalan siya ng mga security guards.
Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin nareresolba ang mga naunang kaso ng paglabag sa karapatang pantao, tulad ng 26 kaso ng destruction and divestment of properties; iligal na pag-aresto at pagkulong sa 13 magsasaka noong Nobyembre ng taong 2011 at Hulyo ng taong 2013; 2 magkakahiwalay na kaso ng harassment, threat and intimidation at coercion o sapilitang pagpapirma sa isang magsasaka ng waiver ng boluntaryong paglisan sa sakahan.
“Hindi kami mangingiming ipaglaban ang aming karapatan sa lupa at kabuhayan. Malinaw sa amin na walang ibang makakaresolba nito kundi ang aming sama-sama at kolektibong pagkilos” ayon kay Franco.
“Bilang pagkundena, maglulunsad kami ng kilos-protesta sa harapan ng munisipyo ng Porac para kalampagin ang lokal na pamahalaan sa kanilang pagiging bingi at bulag sa problemang nararanasan namin sa Hacienda Dolores”, pagtatapos ni Franco.
Gayundin, nananawagan ng suporta ang mga magsasaka ng Hacienda Dolores sa iba’t ibang sektor upang maipagtanggol nila ang karapatan sa lupa at kabuhayan. #