HOUSE BILL # 3059:
Genuine Agrarian Reform Bill (GARB)
NILALAMAN
A. Ang House Bill # 3059: Genuine Agrarian Reform (GARB)
1. Ano ang mga prinsipyo at layunin ng GARB?
2. Bakit libreng pamamahagi ng lupa?
3. Ano ang saklaw ng pamamahagi ng lupa sa GARB?
4. May retention limit ba sa GARB?
5. Ano ang takdang panahon sa pagkumpleto ng pamamahagi ng lupa?
6. Paano ang pamamahagi ng lupa?
7. Paano ipapamahagi ang mga pribadong lupaing agrikultural?
8. Paano isasagawa ang nasyunalisasyon?
9. Paano ang pamamahagi ng mga lupaing pampubliko?
10. Paano itatakda ang sukat ng lupang ipapamahagi?
11. Sinu-sino ang mga benepisyaryo ng GARB?
12. Gaano kalaki/kalawak ang ipapamahagi sa mga magsasaka?
13. Paano poproteksyunan ang lupa ng mga benepisyaryo?
14. Anu-ano ang mga suportang sebisyo na ibibigay sa mga benepisyaryo?
15. Ano ang papel ng mga benepisyaryo sa GARB?
16. Ano ang Land Reform Zones?
17. Ano ang People’s Coordinating Council for Agrarian Reform (PCCAR)?
18. Ano ang mga ipinagbabawal sa batas na ito?
B. Mga Batikos sa GARB at ang ating kasagutan
C. Hamon at Tungkulin
Pambungad
Malaon nang mithiin at kahilingan ng magbubukid sa Pilipinas na binubuo ng mga magsasaka at manggagawang bukid ang Tunay na Repormang Agraryo (TRA). Mahigpit ang pangangailangan sa isang tunay na repormang agraryo na libreng mamamahagi ng lupa sa mga magsasaka, papawi sa monopolyong kontrol ng mga panginoong maylupa (PML) at malalaking agro-korporasyong dayuhan at lokal. Gayundin, reporma sa lupa na tunay na magsasakatuparan ng katarungang panlipunang matagal nang naiisin ng magbubukid.
Sa ganitong kalagayan, nagpapatuloy ang pakikibaka ng magbubukid sa iba’t ibang porma at kaparaanan, may mga nagsasagawa ng lihim at armadong nagsusulong ng rebolusyong agraryo na naglalayong wakasan ang pyudal at mala-pyudal na pagsasamantala sa kanayunan. Sa kabilang banda, mayroon ding nagsusulong ng mga hayag at ligal na pagkilos at naglulunsad ng kampanya sa mga sentrong bayan at lungsod. Bunga ng mahigpit na pagkakaisa at pagkilos ng magbubukid, malawakan at signipikanteng tagumpay ang nakamit nito.
TRA ang susi sa pagkakamit ng tunay na kaunlaran at kasaganaan para sa mamamayang Pilipino. Magiging pundasyon ang agrikultura ng ekonomiya dahil sa ito ang pagkukunan ng pagkain, hilaw na materyales sa industriya at iba pang pangangailangan ng mamamayan. Dagdag pa, mapapasakamay ng mga magsasaka ang produkto ng kanilang lakas-paggawa sa pagsasaka, at matatransporma ang kanayunan bilang malawak na merkado ng mga yaring produkto ng industriya. Sa katiyakan ng pagkukunan ng hilaw na materyales ng industriya, magtutuluy-tuloy ang operasyon nito, na siyang magbubunga ng maraming trabaho para sa manggagawa.
Sa patuloy na pagpapatupad ng magkaakibat na programang tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon, makakamit ang makabuluhan at esensyal na pag-unlad ng kabuhayan ng magbubukid, antas ng agrikultura at industriya, gayundin ang pag-unlad ng pambansang ekonomiya at kasaganaan para sa mamamayan. Samakatuwid, ang laban sa TRA at pambansang industriyalisasyon ay laban hindi lamang ng magbubukid at manggagawa, kundi laban ito ng mamamayan!
Sa pag-unlad ng kabuhayan ng pangunahing pwersa sa produksyon, ang magsasaka at manggagawa, mareresolba ang mga batayang interes na siyang maghihikayat ng pagkakaisa sa mamamayan. Patungo ito sa pagkamit ng tunay, makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa buong bayan.
Nasa palagiang interes ng uring magsasakang itaguyod ang kanilang karapatan at kagalingan saan mang larangan, sa lansangan, sa mga kabukiran, sa mga paaralan, sa mga bahay sambahan at maging sa loob ng parliyamento. Ang malawak at malakas na pagkilos ng mga magsasaka at mamamayan, ang nagsilbing tulak upang dalhin kahit sa loob ng parliyamento, ang laban sa pagkakamit sa TRA. Sa makasaysayang National Peasant Summit noong Nobyembre 4-5, 2007, na dinaluhan ng mga kinatawan ng organisasyong magbubukid ng iba’t ibang rehiyon at lalawigan ng bansa, napagkaisahan ang mga mayor na nilalaman ng Genuine Agrarian Reform Bill. Isinumite at tinanggap ito sa Fourteenth Congress bilang House Bill #3059, sa pangunguna ng Anakpawis Partylist, Bayan Muna at Gabriela Women’s Party noong ika-13 ng Nobyembre 2007.
Inilalabas ang praymer na ito upang maipaunawa ang nilalaman ng GARB, ang pundamental na kaibahan nito sa kontra-magsasaka at mapanlinlang na Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) upang magmulat sa hanay ng magbubukid, tagasuporta at kapanalig, at sa iba pang sektor. Layunin ding maipakita at maipaunawa ang tunay na kalagayan, kahilingan at pakikibaka ng masang magsasaka. Inaasahang sa pamamagitan ng praymer na ito, makakakuha ng malawak na suporta at pakikiisa ang uring magbubukid para sa kanilang lehitimong kahilingan at pakikibaka.
A. Ang House Bill # 3059: Genuine Agrarian
Reform (GARB)
1. Ano ang mga prinsipyo at layunin ng GARB?
a. Basagin ang monopolyo sa lupa at kontrol sa lupa ng mga PML at dayuhan
b. Libreng pamamahagi sa lupa at pawiin ang lahat ng pagsasamantala sa kanayunan
c. k.Pataasin ang produktibidad at kita ng magsasaka
d. Empowerment o pagbibigay kapangyarihan sa mga kababaihan sa kanayunan
e. Pagrespeto sa lupang ninuno ng mga katutubo
f. Palakasin ang agrikultura upang matibay na maitatag ang pambansang industriyalisasyon at pag unlad ng ekonomiya ng bansa
g. Paunlarin ang mga magsasakang benepisyaryo sa pamamagitan ng pagbibigay ng mahusay at sapat na programa sa suportang serbisyo
h. Mapataas ang kita at antas ng pamumuhay ng mga magsasakang benepisyaryo sa pamamagitan ng pagtataguyod ng kooperatiba at iba pang porma ng pagtutulungan, bilang pangunahing pamamaraan sa pagpapaunlad ng kanilang produktibidad.
i. Likhain ang isang panlipunang mekanismo na magpoprotekta sa mga magsasakang benepisyaryo, mula sa muling pag-agaw sa kanilang kanilang lupa, at mahadlangan ang pagpapanumbalik ng monopolyo sa lupa
2. Bakit libreng pamamahagi ng lupa?
Sa alin mang programa sa tunay na reporma sa lupa tulad ng GARB, sentral na layunin ang libreng pamamahagi ng lupa sa magsasaka at manggagawang bukid na wala o kulang ang lupang sinasaka.
Simula’t simula pa ang masang magsasaka na ang naghawan at nagbuhos ng kanyang lakas paggawa para gawing produktibo ang lupa. Ang libreng pamamahagi ng lupa ay wawakas sa pagpiga ng malaking bahagi ng nalilikhang produkto ng magsasaka sa anyo ng upa sa lupa, buwis o amortisasyon sa lupa. Mananatili sa kamay ng mga magbubukid ang malaking parteng pinipiga at magagamit sa higit pang pagpapataas sa produktibidad ng lupa at kita ng magsasaka.
Ano ang kaibahan nito sa CARP?
Sa CARP ang prinsipyo ay pag wala kang pera, wala kang lupa! Pag na isyuhan na ang isang magsasaka o grupo ng magsasaka ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA), magsisimula nang magbayad ng amortisasyon, ayon sa pinakamataas na presyong katanggap tanggap sa PML. Binibigyan ang magsasaka ng 30 taon para hulugan ang lupa, sa interes na anim na porsyento kada taon. Kaya lumalabas, pagkakakitaan pa ng gobyerno ang mga magsasaka. At higit na nakakasuklam, kung pumalya ang magsasaka sa pagbabayad sa isang takdang panahon – Babawiin ang kanyang lupa!
3. Ano ang saklaw ng pamamahagi ng lupa sa GARB?
Saklaw ng pamamahagi ang lahat ng lupaing agrikultural. Walang eksempsyon at eksklusyon. Ang pag-aari sa lupa ay batay sa aktwal na gamit ng lupa, pribado man o publiko.
Kinabibilangan ito ng:
a. lahat ng pribadong lupang agrikultural, anuman ang nakatanim at namamayaning relasyon sa produksyon.
b. lahat ng lupaing ginagamit na taniman ng mga transnational corporations (TNCs), sakahang pangkomersyal, hasyenda, mga lupang pastuhan at pang livestock, lupang ginagamit sa aquaculture, at iba pang lupang agrikultural na nakatali sa iba’t ibang iskema, bilang alternatiba sa pamamahagi ng lupa
c. lahat ng lupang naipamahagi na sa ilalim ng Presidential Decree 27 at sa inamyendahang CARP (Republic Act 6657), na naipasa na sa pagmamay-ari at kontrol ng ibang tao o mga korporasyong hindi kwalipikado sa ilalim ng GARB
d. lahat ng lupang deklarado ng presidential decrees, proclamations para sa turismo, reserbasyong militar, human settlements, special economic development zones, export processing zones, regional industrial centers, subalit nananatiling di napaunlad, tiwangwang at abandonado, pangunahing agrikultura ang gamit at sinasaka ng mga magsasaka.
Sa kaso ng reserbasyong militar, aktwal na gamit ang magtatakda ng segregasyon ng mga bahagi na undeveloped at developed
Masasaklaw ng pamamahagi ang mga deklaradong special economic zones, kung sa nakaraang tatlong taon, wala pang nauumpisahang pagpapaunlad sa naturang lupa.
e. lahat ng lupang ni reklasipika ng local na gobyerno at iba pang departamento at ahensiya ng gobyerno, subalit hindi pa nauumpisahan ang pagpapaunlad dito ayon sa naisabatas nitong klasipikasyon, nananatiling agrikultural ang gamit, sinasaka at okupado ng mga magsasaka.
f. Lahat ng lupaing agrikultural na aprubado ang kumbersyon sa ibang gamit, ngunit di pa naumpisahan ang pagpapaunlad, at lahat ng lupaing agrikultural na may aplikasyong pagpapalit gamit.
g. Lahat ng lupang bahagi ng reserbasyon ng mga pambansang kolehiyo at pamantasan, na pangunahing ginagamit para sa pangkomersyong produksyong agrikultura, o kasalukuyang binubungkal ng magsasaka o nananatiling di napaunlad sa nakaraang limang taon, bago ang GARB; kabilang dito ang mga lupain ng mga pribadong pamantasan at eskuelahan, na hindi ginagamit sa pangedukasyong layunin, nananatiling di napaunlad, agrikultura ang pangunahing gamit at binubungkal ng mga magsasaka.
h. Lahat ng lupang agrikultural na sinasaka at inaangkin ng mga magsasaka, na binawi ng gobyerno o may-ari ng lupa para ipa upa sa mga dayuhang institusyon.
i. Lahat ng trosohan at minahan, kabilang ang mga may kasunduan sa mga kompanyang minahan at trosohan na naibalik sa pang agrikulturang gamit ng mga magsasaka o kung sinuman ang nakaokupa sa lupa.
j. Lahat ng lupang pag-aari ng gobyerno na pangunahing agrikultura ang gamit, okupado at sinasaka ng magsasaka o nananatiling di napapaunlad
k. Lahat ng pribado at pampublikong lupa na nananatiling abandonado, at may potensyal na gamit pang agrikultura, maliban sa mga lupain na mahalaga para sa pagmantina ng balanse sa ekolohiya.
Ano pagkakaiba nito sa CARP?
Walang intensyon ang CARP na lutasin ang pundamental na problema sa kawalan ng lupa. Namumutiktik ang CARP ng mga eksempsyon at ekslusyon. Kabilang dito ang lupa ng State Colleges and Universities (SCUs), mga military reservations, mga experimental farms at iba pa. Sa kalaunan,naidagdag na ang human settlements, lahat ng sakop ng DOJ Opinion No. 44 (footnote 1) , livestock at aquaculture, mga lupang napailalim sa mga Presidential Proclamations para sa gamit turismo, special economic development zones, regional industrial centers,land use conversions, at iba pa. Sa dami ng eksempsyon at ekslusyon, halos wala nang pwedeng sakupin ng pamamahagi ng lupa. Dagdag pa itinali ang magsasaka sa sistemang leasehold.
4. May retention limit ba sa GARB?
Walang retention limit sa GARB. Pagkilala ito na mga magsasaka ang bibigyan ng pangunahing prayoridad sa paggamit sa lupa.
Ano ang kaibahan nito sa CARP?
Sa CARP, may limang ektaryang retention limit para sa PML at tatlong ektarya sa bawat anak na tagapagmana, lehitimo man o ilihetimo. Sa karanasan nagamit ito ng PML upang mapanatili sa kaniyang kontrol ang malalawak na ektarya ng lupain, na hindi sila ang nagbubungkal.
5. Ano ang takdang panahon sa pagkumpleto ng pamamahagi ng lupa?
Tatapusin ang programa sa loob ng limang taon mula sa pagiging batas nito. Sinisiguro ng batas na mangyayari ito sa pamamagitan ng pagtakda ng panahon sa mga dapat gawin ng Department of Agrarian Reform (DAR), at iba pang sangkot na ahensiya ng gobyerno.
Dahil wala nang exemptions, matitiyak ang mabilis na pamamahagi ng lupa at kung gayon ay pagpapatupad ng programa.
Ano ang kaibahan nito sa CARP?
Nagsimula ang pagpapatupad ng CARP noong 1988, sa target na 10 taon. Noong 1998, humingi ng dagdag na 10 taong ekstensyon ng CARP. Ngayong 2008, nanghihingi na naman ng ektensyon na limang taon!Walang katapusang extension!
Masaklap pa, halos walang naipamahaging lupa ang CARP. Panlilinlang at kaduda duda ang datos na pinapalabas ng DAR na accomplishment report nito.
6. Paano ang pamamahagi ng lupa?
Ipapamahagi ang lupa sa mga magsasakang benepisyaryo ng walang bayad.
Dagdag ituturing na bayad na ang:
Lahat ng lupang saklaw at target sa ilalim ng PD27, at RA 6657. Idedeklarang may-ari ng mga lupa lahat ng mga magsasakang benepisyaryo, sa ilalim ng dalawang programang ito.
Ibabalik sa lahat ng benepisyaryong magsasakang kinansela o kinumpiska ang ibinigay sa kanilang CLOA, CLT at EP ang kanilang lupa bilang tunay na may-ari.
Kung naigawad na sa iba pang kwalipikadong benepisyaryong magsasaka ang kanilang lupa, idedeklang sila na ang magmamay-ari at kasabay nito ang deklarasyong tigil na ang amortisasyon, at ituturing na silang bayad sa lupa
Ipapawalang bisa ang lahat ng may naka ambang kanselasyon at kumpiskasyon at idedeklarang sila na ang tunay na may-ari ng lupa ng walang bayad.
Dagdag Pa:
• Sa araw na maging batas ang GARB, ganap na magmamay-ari na ang magsasaka sa kanilang lupa. Bibigyan sila ng Title of Full Emancipation, na libre at hindi na maaaring ikansela.
• Habang hindi pa naipapamahagi ang lupa sa magsasaka, ibababa sa 10 porsyento ng kabuang kita ang upa sa lupa.
• Mabibigyan ang magbubukid ng limang(5) taong di pagbabayad ng buwis simula maging batas ang GARB.
7. Paano ipapamahagi ang mga pribadong lupaing agrikultural?
Kukunin ng gobyerno lahat ng pribadong lupaing agrikultural na may sukat na lampas sa limang ektarya, sa pangkalahatang prinsipyo ng makatarungang kompensasyon at kumpiskasyong walang bayad.
a. Kukumpiskahin ang mga lupa ng mga despotikong PML ng walang kabayaran. Despotiko ang isang PML, kung nakuha niya ang lupa sa pamamagitan ng panlilinlang, pagbabanta at paggamit ng dahas; kabilang dito ang mga PML na may mga pribadong armadong grupo, at kilala ng magsasakang sangkot sa ekstra-hudisyal na pamamaslang at pagdukot sa magsasaka.
Paano isasagawa ang kumpiskasyon?
Patutunayang despotiko ang isang PML sa pamamagitan ng mga sumusunod na hakbang:
• Magsusumite ang mga organisasyong magsasaka at samahan ng magbubukid ng listahan ng mga despotikong PML sa People’s Coordinating Council for Agrarian Reform ( PCCAR).
• Mangangalap ang PCCAR ng dagdag na ebidensiya at kumpirmasyon mula sa isinumite ng mga organisasyon ng magsasaka.
• Sisimulan ng DAR ang proseso sa kumpiskasyon tatlong araw matapos matanggap ang listahan ng mga kumpirmadong despotikong mga PML. Sa yugtong ito ipapagbigay alam sa PML ang isinampang kaso ng kumpiskasyon, at mabibigyan ng karapatang madinig ang kanyang panig sa buong proseso ng kaso.
Dalawa ang usapin sa pagdinig ng mga kaso: kung may kumpensasyon o wala. Kung despotiko, walang kumpensasyon, kung hindi despotiko, may kumpensasyon!
At habang dinidinig ang kaso, hindi mapipigilan ang DAR, upang kagyat na sakupin at iproseso ang pamamahagi ng lupa sa mga benepisyaryong magsasaka.
• Maglalabas ang DAR ng kautusang lisanin ang lupa sa loob ng 15 araw pagkatanggap ng kautusan at isuko ang lahat ng dokumentong hawak nito sa DAR.
• Maglalabas ang DAR ng Compulsory Acquisition Order(CAO) kung hindi nilisan ng PML ang lupa pagkalipas ng 15 araw, at ipapatupad ito sa loob ng tatlong araw. Nakasaad sa CAO, ang sukat ng lupa, kabilang ang mga non land assets na kukumpiskahin, kung mayroon.
b. Bibigyan ng option to sell ang mga naliliwanagang PML at mabibigyan ng makatarungang kumpensasyon.
Paano itatakda ang makatarungang kompensasyon?
Ito ay bayad batay sa karaniwan na pagtatasa ng buwis ng lupa sa huling tatlong taon bago maging batas ng GARB, o ang presyo nito sa merkado, alin man ang mas mababa.
c. Kagyat na inanasyunalisa ang mga lupang inookupa ng mga TNCs, kabilang na ang mga gusali, pabrika, makina at iba pang gamit sa produksyon.
8. Paano isasagawa ang nasyunalisasyon?
Sa pamamagitan ng pagkansela sa kanilang business permit, pagputol sa kontrata, paglipat sa kontrol at pamamahala ng korporasyon sa kamay ng mga manggagawang bukid.
Dalawang mahahalagang punto ang dapat ilinaw:
• Una, Sakop sa pamamahagi ng lupa sa GARB, ang mga lupaing sakop ng mga TNCs, pribadong pag aari man o pampubliko. Hindi ito pag-aari ng mga dayuhang TNCs, dahil wala silang karapatang magmay-ari ng lupa sa ilalim ng saligang batas ng Pilipinas. Dahil mga dayuhan, hindi sila sakop ng proteksyon ng saligang batas ng bansa na nagbabawal magkumpiska ng pag-aari na walang proseso ng batas at garantiya na hindi mababawi ang mga pribadong pag-aari na walang makatarungang kompensasyon.
• Pangalawa, na walang usapin ng paglabag sa kanilang kontrata upang magsagawa ng negosyo sa Pilipinas. Ang tanging layunin ng GARB sa nasyunalisasyon, ay itigil ang isang di pantay na kontrata, na pumapabor lamang sa mga TNCs, at mapasakamay sa mga manggagawang bukid ang pamamahala at kontrol sa lupang inookupa, at makinabang sa bunga ng kanilang paggawa.
Dagdag pa, ang esensiya ng GARB bilang batas, ay pagpapatupad ng kapangyarihan ng estado para sa kapakinabangan ng kanyang mamamayan. Dapat pumaloob sa kapangyarihang ito ng estado ang anumang pribadong kontrata.
9. Paano ang pamamahagi ng mga lupaing pampubliko?
Isusuko sa DAR lahat ng pampublikong lupa na nasa ilalim ng kontrol ng mga ahensiya, departamento, at mga korporasyon, sa loob ng 15 araw mula sa epektibidad ng batas para iprosesong ipamahagi.
Isusuko sa DAR lahat ng mga lupang alienable and disposable lands of public domain na nasa kontrol ng DENR, sa loob ng 30 araw mula sa epektibidad ng batas upang iprosesong ipamahagi.
10. Paano itatakda ang sukat ng lupang ipapamahagi?
Iimbentaryuhin ang lahat ng lupa. Sa pamamahagi ng lupa, isasaalang alang ang dami at lawak ng lupa, bilang ng mga benepisyaryo, kalidad ng lupa, pwersang paggawa ng mga benepisyaryo, at kita (aktwal at potensyal) mula sa lupa.
11. Sinu-sino ang mga benepisyaryo ng GARB?
Upang maging benepisyaryo ng GARB, hindi kailangang mag-aplay sa anumang ahensiya ng gobyerno. Kailangan lamang silang magpa sarbey sa baryo kung saan sila nakatira at nagsasaka. Benepisyaryo ng GARB ang mga sumusunod:
• lahat ng mga magsasaka, babae man o lalaki na walang lupa o kulang ang lupang sinasaka
• sinuman na kahit hindi magsasaka, babae man o lalaki subalit handa at gustong magsaka
• lahat ng mga napaalis o umalis sa baryo dahil sa iba’t-ibang dahilan, at nais bumalik para muling magsaka. Kung kontento na sila sa napwestuhan nilang baryo maaring doon na sila magpalista para maging benepisyaryo.
• Ipapamahagi sa mga manggagawang bukid (regular, kontraktwal o seasonal) ang mga lupaing ginagamit na plantasyon, sakahang komersyal, mga hasyenda, pastuhan, livestock, cattle farms at aquafarms. Kasama sa ipapamahagi ang mga gamit sa produksyon, kaya sila ang mangangasiwa at magpapatakbo ng buong empresa.
• Kasama ang mga PML sa benepisyaryo kung handa silang magbungkal. Bibigyan ng 5 ektarya ang mga naliliwanagang PML depende sa dami at lawak ng lupang maaaring ipamahagi, subalit uunahin munang bigyan ng lupa ang mga magsasaka.
• mangingisdang umuukopa ng foreshore lands
12. Gaano kalaki/kalawak ang ipapamahagi sa mga magsasaka?
Ang lawak at laki ng ipapamahagi ay nakabatay sa lawak na kayang bungkalin ng isang benepisyaryo, at sa nakahandang pwersang paggawa ng isang pamilya na may pagsasa alang alang sa lawak, laki at kalidad ng lupa.
Magpapamahagi ng lupa para sa pabahay at dagdag na pagkakakitaan sa mga manggagawang bukid.
Ano ang kaibahan sa CARP?
Sa CARP, tatlong hektarya lamang kada benepisyaryo gaano man kalaki ang kanyang pamilya.
Sa aktwal, dahil hindi sinaklaw ang mga malalaking lupain, maraming magsasakang may malaking pamilya na nakatanggap lang ng kulang 1 ektarya.
13. Paano poproteksyunan ang lupa ng mga benepisyaryo?
Tiniyak na sapat ang mga probisyon sa GARB para hindi mabawi ang lupa mula sa mga benepisyaryo at hindi makapanumbalik ang monopolyo ng mga PML sa lupa.
Ang mga ito ay:
a. Pagbabawal sa pagbenta, sangla o anumang porma ng paglipat sa lupa mula sa benepisyaryo pabor sa ibang tao o grupo o institusyon. Maliban kung ito ay mamanahin ng mga anak. Ang pinaka nangangailangang anak ang una sa prayoridad na pagbibigyan ng lupa.
b. Kung hindi kayang sakahin ng benepisyaryo ang lupa sa iba’t-ibang kadahilanan, at kung wala ninuman sa kanyang kagyat na pamilya ang pwedeng magsaka, ibabalik sa samahan ng magsasaka ang lupa, at ang samahan ang magtatakda kung kanino ipapasa ang pagbubungkal sa lupa.
c. Pagbabawal sa pag reklasipika o pagpapalit gamit ng lupa
d. Pagbabawal na ilitin ang lupa dahil sa hindi nakabayad ng buwis
e. Pagbabawal na gawin itong kolateral sa utang
f. Pagbabawal sa anumang korte na kwestyunin ang pamamahagi at batayan ng pamamahagi ng lupa
g. Pagbibigay ng sapat na suportang serbisyo sa mga benepisyaryo upang matiyak ang produktibidad at pagtaas ng kita ng mga magsasaka.
Ano ang kaibahan sa CARP?
Wala ni katiting na proteksyon na ibinibigay ang CARP sa mga benepisyaryo; ginagamit pa ang probisyon para linlangin ang magsasaka at mapaalis sa lupa
• Pwedeng mareklasipika sa ibang gamit;
• Hindi matibay ang pagmamay-ari ng mga benepisyaryo dahil
• pwedeng kwestyunin o kansela-hin ang kanilang CLOA, CLT o EP anumang oras kung hindi pa bayad at kahit bayad na.
• Sa panukalang ekstensyon, maaaring ikolateral ang lupa para may mahila ang bangko kung hindi makabayad ang magsasaka. May panganib pa na makapagpasok ng probisyon ang mga PML para mabawi ang kanilang lupa, sa haba ng implementasyon
Sa karanasan ng magbubukid, malaganap ang mga bigay bawi dahil sa mga deklarasyon ng mga eksempsyon, retention at iba pa.
14. Anu-ano ang mga suportang serbisyo na ibibigay sa mga benepisyaryo?
Sa GARB, maglalaan ng P50 bilyong pondo para sa suportang serbisyo, sa limang taon na pamamahagi ng lupa. Magtutuloy tuloy pa ang suportang serbisyo, sa loob ng limang taon pagkatapos ng pamamahagi ng lupa.
Kabilang dito ang mga sumusunod:
a. pagtulak sa kooperatiba ng mga benepisyaryo
b. pautang batay sa interes na kaya ng mga magsasakang benepisyaryo at paggamit ng alternatibang kolateral na hindi gagamitin ang kanilang lupa (halimbawa: asosasyon ang magbibigay ng garantiya sa utang ng magsasaka; parte ng kanyang ani)
c. suporta sa produksyon
d. post harvest
e. marketing
f. pananaliksik ng mga teknolohiyang makakatulong sa mga magsasakang makaalpas sa kasalukuyang pagsalig sa imported na teknolohiya sa pagsasaka
g. garantiya sa presyo ng produkto ng magsasaka
Ano ang kaibahan sa CARP?
• Limitadong limitado ang suportang serbisyo dahil inuuna ang pagbayad sa mga PML. Limitado na, kakarampot pa ang napapakinabangan ng benepisyaryo sa ilalim ng kanilang show case na Agrarian reform communities(ARCs).
• Sa orihinal na batas, naglaan ng P 50 bilyones na Agrarian Reform Fund para maseguro ang bayad sa mga PML. Naging P100 bilyon lahat dahil dinagdagan ng P50 bilyones noong unang ekstensyon noong 1998. Sa mga panukalang ikalawang ekstensyon, maglaan ng P50-100 bilyon para sa suportang serbisyo.Nagiging mahalaga lang ang suportang serbisyo, kung may tunay na naipapamahagng lupa; PML pa rin ang magtatamasa sa support services dahil nananatili sa kanila ang lupa.
15. Ano ang papel ng mga benepisyaryo sa GARB?
Masugid na itataguyod ng GARB ang pagtatayo ng mga kooperatiba bilang batayang yunit ng produksyon sa hanay ng mga benepisyaryo at magiging aktibong partisipante ang mga benepisyaryo. Itataguyod ang kooperatiba at iba pang mutwal na pagtutulungan kasabay at maglilingkod sa pamamahagi ng lupa, sa layuning mapagsamasama ang kanilang produktibong kakayahan at paggawa sa pagpapataas ng kanilang kita, at sa mutwal na kapakinabangan sa anumang pagunlad ng kanilang produksyon.
Sa pamamahagi ng lupa isasabay ang edukasyon sa magbubukid na kasapi sa kooperatiba, upang mapataas ang kakayahang mag-organisa ng mga kooperatiba, pagpapagana sa mga ito kabilang na ang pinansiya at produksyon.
16. Ano ang Land Reform Zones?
Ang Land Reform Zones (LRZ) ay batayang yunit ng operasyon ng pamamahagi ng lupa na may lawak na di lalampas sa sakop ng isang probinsiya, subalit di liliit sa sakop ng isang distrito.
Ang LRZ ang sentro ng koordinasyon ng lahat ng gawain at aktibidad kaugnay ng pamamahagi ng lupa, magsisilbing daluyan (clearing house) ng palitan ng mga datos at impormasyon kaugnay ng lawak ng lupa, bilang ng benepisyaryo, kalagayan ng pamamahagi ng lupa kumpara sa bilang ng benepisyaryo, mga problema at iba pang impormasyong mahalaga sa pagpapabilis ng pamamahagi at pagresolba ng mga problema sa pamamahagi.
Sa isang LRZ, magsasagawa ng sarbey ang DAR para tukuyin sino ang mga benepisyaryo, relasyon sa produksyong namamayani, bilang ng mga pamilya, at bilang ng pwersang paggawa sa mga pamilya.
17. Ano ang People’s Coordinating Council for Agrarian Reform (PCCAR)
Ang PCCAR ay binubuo ng mga kinatawan mula sa DAR, DA at mga lider o representatibo ng mga organisasyon ng mga sektor sa isang LRZ: mga organisasyon ng mga magsasaka, manggagawang agrikultural, mangingisda, katutubo, kababaihan sa kanayunan, mga agrarian reform advocates, rural development advocates, food security and environmental protection advocates.
Katulong ng DAR ang PCCAR sa pagsasagawa ng sarbey, pagbubuo ng plano sa pamamahagi ng lupa, paglulunsad ng kampanyang impormasyon at edukasyon, pagtataguyod ng mga kooperatiba, at daluyan ng suportang serbisyo sa mga magsasakang benepisyaryo.
Ano kaibahan sa CARP?
Sa CARP, pasibong benepisyaryo ang mga magsasaka, wala silang boses sa kabuang implementasyon ng programa at sa sama-samang pagpapaunlad ng lupang naipamahagi sa kanila.
18. Ano ang mga ipinagbabawal sa batas na ito?
a. Pagbebenta, pagsangla, paglipat ng mga lupa ng mga may ari ng lupa sa buong panahong isinasagawa ang pamamahagi ng lupa, maliban kung ang paglilipat ay sa pamamagitan ng mana;
b. Pagpapatalksik ng mga may ari ng lupa sa mga kasama, nangungupahan at iba pang magsasaka na aktwal na nagbubungkal ng lupa;
c. Paglalagay ng mga may ari ng lupa ng dummy o pekeng benepisyaryo sa kanilang lupa o tagapagmana
d. Pamimilit, pagbabanta, o paggamit ng intimidasyon sa mga magsasakang benepisyaryo, para ibenta, isangla, o ipalipat ang pagmamay-ari ng lupang naipamahagi sa kanila.
e. Pagpapalit gamit sa lupang nasakop at naipamahagi na sa mga magsasakang benepisyaryo, maliban sa pang agrikulturang gamit;
f. Pamimilit, paggamit ng dahas, pagbabanta sa mga magsasakang benepisyaryo upang palitan ang gamit ang lupang naipamahagi sa kanila
g. Pagtangging lisanin o bitawan ang lupang deklarado nang inanasyunalisa, at ikukumpiska, at paghadlang sa kautusan upang lisanin ang lupa;
h. Pagtatago sa mga kasangkapan at pag-aaring tinukoy na bahagi ng lupa at kagamitang ikukumpiska, o ang pagsira sa mga ito, upang hindi mapakinabangan ng mga magsasakang benepisyaryo;
i. Ang pag notaryo, ng isang Notaryo Publiko, ng isang dokumentong nagbebenta, nagsasangla at naglilipat ng pagmamay-ari sa lupang ipapamahagi sa GARB; kasama na dito ang kabiguan ng notaryo publiko na bigyan ng kopya ang departamento ng mga naturang dokumento.
j. Pagsumite ng pekeng ulat, maling deklarasyon, at kabiguan ng Registry of Deeds (ROD) na magsumite ng ulat hinggil sa mga aplikasyon para irehistro, ng mga lupang sakop ng batas na ito na ibinebenta, isinasangla at inililipat ng pag mamay-ari.
B. Mga Batikos sa GARB at ang ating kasagutan
Nasa House Committee on Agrarian Reform pa lang ngayon ang GARB, ngunit inuulan na ng batikos mula sa mga nagsusulong ng pagpapalawig ng CARP. Nakalista sa ibaba, ang mga batikos sa GARB, at ang mga direktang kasagutan natin sa mga batikos.
1. Na stewardship program ang GARB at hindi programa sa repormang agraryo, dahil sa pagbabawal na ibenta, isanla at isalin ang lupang naipamahagi sa mga benepisyaryong magsasaka.
Ang ating sagot sa batikos:
a. Dalawang mahalagang prinsipyo ang gumagabay sa isang programa sa TRA: ang pamamahagi ng lupa ng libre sa mga magsasakang walang lupa at pagtitiyak na hindi na kailanman manunumbalik ang monopolyong kontrol sa mga lupain, ng mga PML at agrikorporasyong local at dayuhan. Paglabag sa prinsipyo ng tunay na repormang agraryo, ang karapatan sa pagbebenta dahil magreresulta ito sa rekonsentrasyon ng lupa sa kamay ng mga PML.
b. Sa GARB, ipapamahagi ang lupa sa magsasakang benepisyaryo ng bayad, titiyakin ang kanyang paggamit at kontrol sa lupa sa aspetong siya ang may desisyon kung ano ang itatanim, siya pangunahin ang magtatamasa sa kita, titiyakin ang sapat na suportang serbisyo sa pagpapaunlad ng kanyang lupa, at ibibigay sa kanya ang karapatang ipamana sa mga anak o sinuman sa kanyang kagyat na pamilya ang lupa.
Sa ganitong garantiya ng GARB, mawawala ang batayan at pangangailangan upang isipin at naisin ng magsasakang benepisyaryo na ibenta ang lupang naipamahagi sa kanya.
Sa karanasan sa CARP, naibebenta o naisasanla ng mga magsasaka ang lupa dahil sa mga sumusunod na dahilan:
• obligado siyang bayaran ang lupang naipamahagi sa kanya kadalasan sa mataas na halaga, na may kasama pang interes
• dahil sa araw araw na pangangailangan ng kanyang pamilya
• upang makabili ng kagamitan sa produksyon sa kalagayang walang ibinibigay ang gobyerno sa kanyang subsidyo at suportang serbisyo
• panganib na mailit na ang lupa, dahil sa kawalan ng ibabayad
• mapapaalis na siya sa lupa dahil sa ikukumbert, binabawi ng panginoong maylupa bahagi ng retention limit, nadeklarang exempted ang lupa sa pamamahagi.
Ang lahat ng mga nabanggit ay binigyan ng solusyon ng GARB upang hindi na maibenta at maisanla ang libreng lupang naipamahagi sa kanya.
c. Hindi labag sa saligang batas ang pagbabawal sa pagbebenta ng lupa kundi bahagi ito ng pagpapatupad ng estado sa kapangyarihan nito na pangalagaan ang kapakanan ng kanyang mamamayan, sa partikular, ang mga magsasakang benepisyaryo, upang hindi na muling maibalik sa mga PML ang mga lupang naipamahagi sa kanila.
d. Lupang walang bayad ang ipapamahagi ng GARB, na magagamit niya para sa kanyang buong kapakinabangan, at hindi lupang walang bayad na maaari niyang ibenta. Ang GARB bilang programa sa repormang agraryo ay Land for the Landless Tiller, at hindi Land for the Sellers!
2. Paparusahan ng HB 3059 ang magsasakang hindi na kayang sakahin ang lupa, dahil sa iba’t-ibang rason, sa pamamagitan ng pagsasauli niya ng lupang naipamahagi sa kaniya sa organisasyon ng magsasaka sa lugar na kinabibilangan niya. Walang seguridad sa pagtanda ang mga benepisyaryong magsasaka. Paano na sila mabubuhay sampu ng kanilang pamilya?
Ang ating sagot sa batikos:
Sapat sapat ang probisyon sa GARB upang siguruhin ang kapakanan ng mga benepisyaryong magsasaka kahit pa sa kanilang pagtanda.
a. sa pagbibigay sa kanya sa lupa ng libre, karapatang ikontrol at gamitin sa kanyang buong kapakinabangan ang kikitain sa lupa, dagdag pa ang sapat na suportang subsidyo at serbisyo
b. ang pagbibigay ng karapatang ipamana sa kanyang mga anak at sinuman sa kanyang kagyat na pamilya ay katumbas ng pagbibigay karapatan upang makontrol ng maraming henerasyon ng kanyang angkan ang lupa. Ang tanging kondisyon na itinatakda: Gawing produktibo ang lupa!
c. ang kooperatiba ng magsasaka ang magiging daluyan ng pagtatayo ng mekanismo para sa iba pang proteksyon at seguridad ng buhay ng mga magsasakang benepisyaryo hanggang sa kanilang pagtanda.
3. Labag sa due process of law ang kumpiskasyon sa sullied landholdings o mga lupang inangkin sa pamamagitan ng paggamit ng pandaraya, at pandarahas, dahil hindi binibigyan ang PML ng day in court, karapatan makalahok sa mga konsultasyong magtatakda kung sullied o hindi ang lupa.
Ang ating sagot sa batikos:
Sapat ang mga prosesong nakasaad sa GARB sa pagpapatupad ng kumpiskasyon ng mga lupain ng mga despotikong panginoong maylupa.
Kagaya sa nakasaad sa probisyon ng GARB, matapos matanggap ang listahan ng mga kumpirmadong despotikong PML, mula sa organisasyon ng magsasaka at PCCAR sisimulan ng DAR ang proseso sa kumpiskasyon ng kanyang lupa, depende sa prosesong nararapat sa mga kaso, kabilang na ang pagsasampa ng kaso sa korte upang kanselahin ang titulo ng mga lupa. Ipapaalam sa PML ang isinampang kaso ng kumpiskasyon, at mabibigyan ng karapatang madinig ang kanyang panig sa buong proseso ng kaso.
Ipinagbabawal sa GARB ang mga remedyo sa korte tulad ng temporary restraining order (TRO) (footnote 2), mandamus (footnote 3) at injunction (footnote 4) upang matiyak na di maantala ang implementasyon ng programa. Nananatiling nakabukas sa PML ang remedyo ng pagsampa ng petition for certiorari (footnote 5) sa ilalim ng Rule 65 ng Rules of Court. Hindi matatalian ang kamay ng DAR sa pamamahagi nito ng mga lupang sangkot , dahil ang usapin na dedesisyunan lamang sa korte ay kung mabibigyan o hindi ng makatarungang kompensasyon ang naghahabol na PML. Mananatiling sakop ng pamamahagi ang kanyang lupa kaya walang sagka sa tungkulin ng DAR na ipamahagi ang mga ito.
C. HAMON AT TUNGKULIN
Matagal nang isinusulong ng magbubukid ang TRA. Sa pamamagitan ng mahigpit na pagkakaisa at sama-samang pagkilos ng magbubukid, naipapatupad sa iba’t ibang antas at kalagayan ang TRA. Ito ay malinaw na pinakikinabangan ng magsasaka at kanilang mga pamilya.
Sa maraming lugar, hakbang-hakbang na naisusulong ang pagpapababa ng upa sa lupa, pagpapababa at pagpawi sa usura, pagpapataas ng sahod ng manggagawang bukid, gayundin ang komunal na pagsasaka. Sa mga lugar na may relatibong mas mahigpit ang pagkakaisa at mataas na kamulatan, kanilang naiigigiit ang karapatang manatili sa lupang sinasaka. Ito ay maituturing na signipikanteng tagumpay ng magbubukid.
Sa layuning makamit ang lehitimong kahilingan ng magbubukid, ibayong palakasin at patatagin ang ating organisasyon, palawakin at palakasin ang suporta at pakikiisa ng iba’t ibang sektor. Sa kalagayang hindi pa naisasabatas ang GARB, tuluy-tuloy pa ring isusulong ng kilusang magbubukid ang pakikibaka para sa TRA. Dagdag pa, aktibo nating palaganapin at ikampanya ang GARB sa ating hanay at malawak na mamamayan para sa mas malawak pang suporta at pakikiisa.
Inihanda ng:
Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP)
Pamalakaya-Pilipinas, Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas
AMIHAN, Pambansang Pederasyon ng Kababaihang Magbubukid
Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura (UMA)
-------------------------
1 Nakasaad sa DOJ Opinion 44, na sinangayunan ng Korte Suprema, na lahat ng lupang nareklasipika bilang residensyal, industriyal at komersyal bago Hunyo 15, 1988, ang araw na naging epektibo ang CARP, ay hindi maituturing na agrikultural, di maaring ipamahagi kahit sa aktwal ay sinasaka pa ng magsasaka.
2 isang petisyong isinasampa upang pigilan ang pagpapatupad ng batas. Hanggang 20 araw ang bisa nito
3 isang petisyong isinasampa para itulak ang isang opisyal ng gobyerno na gawin niya ang kanyang “ministerial duty”
4 Isa pang klase ng petisyong isinasampa sa korte upang pigilan ang pagpapatupad ng isang bagay, batas.
5 Isang apelang ginagamit kapag ang korte ay umakto with grave abuse of discretion na nagreresulta sa pagbaba ng desisyon na wala o lagpas pa sa kanyang jurisdiction o sakop.